Chismis: Kwento Lang Ba o Kasalanan?

“Uy, may kwento ako…” — Ilang beses na natin narinig ito? Sa kanto, sa opisina, sa group chat, o sa kapitbahay, tila naging parte na ng ating kultura ang chismis. Pero ang tanong: Kwento lang ba ito, o may kasalanan na nagaganap?
Ano ba talaga ang Chismis?
Hindi lahat ng impormasyon ay kailangang ikwento — lalo na kung ang layunin ay hindi makabuo, kundi makasira. Ang chismis ay ang pagbabahagi ng balita — totoo man o haka-haka — na walang pahintulot at maaaring makasira ng dangal ng kapwa. Sa simpleng salita: makasarili at mapanirang usapan.
Ano ang Sinasabi ng Salita ng Diyos?
- Proverbs 16:28 – “Ang tsismoso ay naghihiwalay ng matatalik na magkaibigan.”
- Romans 1:29-30 – Ang tsismis ay nasa hanay ng mga gawaing salungat sa kalooban ng Diyos.
- James 3:5-6 – “Ang dila ay maliit na bahagi ng katawan, ngunit napakalaking kasamaan ang kayang gawin nito.”
Hindi ito simpleng “expression” ng opinyon — ito ay makasalanang gawa na nagpapakita ng pagkawala ng takot sa Diyos at paglabag sa Kanyang utos na mahalin ang kapwa gaya ng sarili.
“Normal na yan sa Pinoy!” — Pero Tama ba?
Oo, kultura na ito — pero hindi lahat ng kultura ay karapat-dapat panatilihin. Tinatawag tayong maging kakaiba sa mundo. Hindi tayo nakikiuso, kundi sumusunod sa pamantayan ng Diyos. Hindi ito tungkol sa pagiging “banal-banalan” kundi sa tunay na pagmamahal — dahil mahal natin ang Diyos, at mahal natin ang ating kapwa.
Saan Galing ang Pagtsitsismis?
Ang tsismis ay produkto ng pusong may inggit, pride, at insecurities. Sa halip na magdiwang sa tagumpay ng iba, gusto natin silang ibaba. Sa halip na harapin ang sariling pagkukulang, gusto natin makita ang mali ng iba.
Iyan ang bunga ng pusong hindi pa lubos na nababago. At ang solusyon? Hindi simpleng self-help o pagiging "nice." Kailangan natin ng bagong puso — pusong binabago araw-araw ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita.
Paano Tatalikuran ang Chismis?
- Magsimula sa puso. Tanungin: “Bakit ko gustong ikwento ito? Nakakatulong ba ito?”
- Kontrolin ang dila. Ayon sa James 1:26, ang pananampalatayang hindi marunong magpigil ng dila ay walang kabuluhan.
- Gamitin ang oras para sa pagbuo, hindi sa paninira. Kung may problema sa kapwa, kausapin sila ng harapan, hindi patalikod.
- Manalangin para sa biyaya ng Diyos. Hindi natin ito kaya mag-isa. Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu para magbago.
Ang Dila ay Regalo — Gamitin nang Tama
Binigay sa atin ng Diyos ang kakayahang magsalita para sa pagpapalakas ng loob, pagpapahayag ng katotohanan, at pagbibigay ng papuri sa Kanya. Ang tanong: paano natin ginagamit ang ating dila araw-araw?
Ephesians 4:29: “Huwag kayong magsalita ng masama. Gamitin ninyo ang dila para sa ikatitibay ng kapwa, ayon sa pangangailangan, upang makinabang ang mga nakikinig.”
Pagmumuni-muni:
Kapag may narinig kang chismis, wag agad sumakay. Tanungin mo ang sarili mo: “Ang sasabihin ko ba ay makakatulong, o makakasira?” Kung ikaw ang naging tsismoso — huwag magpalubog sa guilt. Lumapit sa Diyos at humingi ng tawad. May biyaya sa Kanya para sa bawat pusong nais magbago.
"Set a guard over my mouth, LORD; keep watch over the door of my lips." – Psalm 141:3
Kategorya: Ugaling Pinoy
Comments
Post a Comment